Tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang patuloy na suporta ng Sandatahang Lakas sa isinasagawang Humanitarian and Disaster Relief (HADR) Operations sa mga lugar na apektado ng pagbaha at landslide sa Mindanao.
Iniulat ni Gen. Brawner na hanggang Pebrero 13, nakapaghatid na ang Philippine Air Force ng halos 40 tonelada ng relief goods, equipment, at personnel sa mga nasalantang lugar sa pamamagitan ng anim na helicopter, isang C-130, at isang C-295 aircraft.
Dineploy naman ng Philippine Navy ang BRP Davao Del Sur (LD 602) kasama ang Marine Battalion Landing Team 9, at BRP Tagbanua para maghatid ng kabuuang 59,000 DSWD family food packs gayundin ang tatlong isaster response teams ng Naval Forces Eastern Mindanao.
Habang ang mga unit ng Philippine Army sa ilalim ng 10th Infantry Division, kabilang ang kanilang Emergency Response Company; ang 701st, 402nd, at 1001st Infantry Brigades; ang 66th, 67th, 25th at 60th Infantry Battalions; at 534th at 525th Engineer Construction Battalions ay aktibo namang tumutulong sa search, rescue, at retrieval operations.
Sinabi ni Gen. Brawner na ipinagmamalaki niya ang bawat sundalo, airman, sailor, at marine sa kanilang ipinamalas na commitment at sakripisyo sa panahon ng pangangailangan. | ulat ni Leo Sarne
📷: AFP-PAO