Patungong Australia si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa darating na Miyerkules, mula Pebrero 28 hanggang Pebrero 29.
Ayon sa Presidential Communications Office o PCO, bisita ang Pangulo ng pamahalaang Australia kung saan nakatakda ring magsalita ang Punong Ehekutibo sa Australian Parliament.
Inaasahang may kinalaman sa Strategic Partnership sa pagitan ng dalawang bansa na nalagdaan noong isang taon ang sentro ng gagawing pagsasalita ng Pangulo sa mga mambabatas ng Australia.
Magkakaroon din ng mga hiwalay na pagpupulong ang Pangulo sa mga Australian senior official kung saan ay inaasahang mapag-uusapan ang ukol sa depensa at seguridad, kalakalan, pamumuhunan, people-to-people exchanges, multilateral cooperation, at regional issues.
Inaasahan ding magkakaroon ng lagdaan sa mga bagong kasunduan hinggil sa ilang areas of common interest ng Pilipinas at Australia na mas makapagpapalawak pa ng mutual capacity-building sa pagitan ng dalawang Bansa.
Ipagdiriwang ng Pilipinas at Australia ang ika-78 anibersaryo ng kanilang relasyong pang-diplomasya sa Nobyembre ng taong ito. | ulat ni Alvin Baltazar