Inanunsyo ni Speaker Martin Romualdez na magbibigay-tulong ang pamahalaan sa mga sundalong nasugatan at pamilya ng mga nasawing sundalo sa engkwentro sa Lanao del Norte kamakailan.
Ginawa ng house leader ang pahayag sa ginaganap na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Sultan Kudarat.
Paraan aniya ito para kilalanin at pasalamatan ang kabayanihan ng mga sundalo na nakipagsagupaan laban sa Dawlah Islamiyah-Maute group.
Sa talumpati ni Speaker Romualdez sinabi nito na salig sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., magpapaabot ng cash, educational at livelihood assistance ang pamahalaan sa pamilya ng anim na nasawing sundalo gayundin ang mga nasugatan sa engkwentro. | ulat ni Kathleen Forbes