Pinayuhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., si Pastor Apollo Quiboloy na humarap na lamang sa dalawang Kapulungan ng Kongreso at harapin ang mga akusasyong ibinabato rito.
Ayon sa Pangulo, kung may pagkakataon rin lang na daluhan ang pagdinig sa Senado at Kongreso ay puntahan na sana ni Pastor Quiboloy para na rin maipaliwanag nito ang kanyang istorya.
Kung humarap lang sana si Quiboloy sa imbestigasyon at nasabing walang katotohanan ang mga alegasyon sa kanya ay wala sanang senaryo na baka umabot pa na ito’y mapa-contempt na kapag nagkataon ay baka makalikha pa ng gulo.
Sa kabilang dako’y tinawanan lamang ng Pangulo ang pagkakasangkot sa kanya ni Pastor Quiboloy hinggil sa umano’y planong paglilikida sa kanya.
Ayon sa Pangulo, walang gustong pumaslang sa tinaguriang Son of God at hindi niya aniya maintindihan ang mga gayung pahayag ng Pastor. | ulat ni Alvin Baltazar