Pinagtibay ng Mababang Kapulungan ang isang resolusyon para himukin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Senate Pres. Juan Miguel Zubiri na dumalo sa “Nuclear Energy Summit.”
Sa ilalim ng House Resolution 1591 na iniakda ni House Special Committee on Nuclear Energy chairman Mark Cojuangco, hinihiling na maging official delegates ng Pilipinas sina PBBM, Romualdez at Zubiri sa naturang summit na gaganapin sa Brussels, Belgium sa March 21 hanggang 22 ngayong taon.
Ayon sa mambabatas, isang ‘golden opportunity’ para sa Pilipinas kung makakadalo ang mga opisyal para marinig ang mga ‘insight’ ng mga eksperto at iba pang lider ng ibang bansa.
Inaasahan kasi aniya ang pagdalo ng world leaders dito upang talakayin ang papel ng nuclear energy sa pagtugon sa mga hamon sa sektor ng enerhiya, mabawasan ang paggamit ng fossil fuels, palakasin ang energy security at economic development.| ulat ni Kathleen Forbes