Target ng Philippine Coconut Authority (PCA) na makapagtanim ng hindi bababa sa 8.5 milyong puno ng niyog ngayong taon sa ilalim ng Massive Coconut Planting and Replanting Project.
Ito’y alinsunod sa commitment ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog hanggang 2028.
Ayon kay PCA Administrator Bernie Cruz, inaalam na ng PCA ang bilang ng mga seedlings na itatanim ngayon taon, batay sa mga available stock nito at ang bilang ng mga seednuts na itinanim na sa mga nursery.
Noong Oktubre ng nakaraang taon, pinagtibay ng Pangulo ang pangako ng administrasyon sa Massive Coconut Planting at Replanting Project na idinisenyo ng PCA.
Dati nang lumikha ng isang Task Force ang PCA para sa Massive Coconut Planting and Replanting and Productivity Enhancement kasama ang LGUs, Coconut farmers Cooperative at private sector.
Sa ngayon, higit sa isang milyong seedlings ang inaasahang mabuo mula sa provincial o communal nurseries sa tulong pa rin ng mga LGU at Coconut Farmers Cooperatives.
Noong nakarang taong 2023, mahigit 2.1 milyong coconut seedlings ang naitanim sa buong bansa.| ulat ni Rey Ferrer