Pinaalalahanan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang publiko hinggil sa water safety guidelines kabilang na ang pag-iwas sa mga delikadong hakbang.
Ito ay matapos ma-recover ng PCG ang isang bangkay sa Magtangcob River, Barangay Paclolo, Magsaysay, Occidental Mindoro kahapon.
Kinilala ang biktima na si Ernesto Cardinas Jr., 16-years old, nakatira sa Barangay Bagong Sikat, San Jose, Occidental Mindoro.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Magsaysay, ang biktima ay tumalon sa isang talampas na may taas na 60 feet mula sa katubigan sa kabila ng mga babala mula sa mga kasamahan nito.
Matapos tumalon ay hindi na ulit lumutang ang biktima na dahilan nang kanilang paghingi ng saklolo.
Nagsagawa ng underwater search ang mga tauhan ng Coast Guard Special Operations Unit – Occidental Mindoro kung saan dito na nila na-recover ang katawan ni Cardinas. | ulat ni Lorenz Tanjoco
📸: PCG