Siniguro ng Department of Agriculture na mayroong mga nakalatag na tulong ang pamahalaan para sa mga magsasaka at mangingisdang maaapektuhan ng El Niño.
Sa briefing na ipinatawag ng House Committee on Agriculture and Food sinabi ni Lorna Belinda Calda, OIC ng Field Programs Operational Planning Division ng DA na isa sa mga intervention ay ang paglalaan ng insurance ng Philippine Crop Insurance Corporation.
Katunayan mula aniya Hunyo hanggang Disyembre 2022 ay umabot na sa 1,593,309 na magsasaka ang na-insure o katumbas ng 94.8% ng kanilang target.
Habang mayroon aniyang available na P1.8 billion para sa mga buwan ng Enero hanggang Hunyo ngayong taon para naman sa 940,648 na mga magsasaka at mangingisda.
Maliban dito mayroon din aniyang P500 million na credit support sa ilalim ng Survival and Recovery Loan Program ng Agriculture Credit Policy Council.
Dito makakautang ng hanggang P25,000 na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon na may zero interest para sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity.
Hanggang nito aniyang February 25, aabot na sa 6,523 na ektarya ng sakahan ang apektado ng tagtuyot kung saan 1,112 ektarya ang totally damaged.
Katumbas aniya ito ng 7,668 na magsasakang apektado na may katumbas na P357.38 million na halaga. | ulat ni Kathleen Jean Forbes