Nagpadala ng mga volunteer ang Philippine Red Cross (PRC) sa Barangay Masara, Maco, Davao De Oro upang rumesponde sa tatlong bus na natabunan ng gumuhong lupa kagabi.
Sakay ng bus ang mga trabahador ng isang mining company na pauwi na sana.
Ayon kay PRC Chairperson at CEO Richard Gordon, nasa dalawang tauhan ang nakaligtas sa insidente at dinala na sa ospital, habang nabigyan naman ng psychosocial first aid ang 10 apektadong indibidwal sa Davao Community Hospital.
Nahirapan naman aniya makapasok ang mga ambulansya ng PRC sa pinangyarihan ng insidente dahil sira ang mga kalsada at maputik dulot ng patuloy na pag-ulan.
Bukod dito, tumulong din ang PRC sa search and rescue operation sa mga hindi pa nakikitang biktima, pati na rin sa paglilikas ng 19 na indibidwal sa Maco at Mawab matapos ipatupad ang forced evacuation sa nasabing mga lugar.
Nakatakda naman magpadala ang PRC ng volunteer response emergency vehicles, 6×6 trucks, food trucks, water tankers, at drones at karagdagang tauhan upang tumulong sa operasyon sa lugar. | ulat ni Diane Lear
📷: PRC