Mas palalawakin ng National Kidney and Transplant Institute ang information campaign sa kidney disease prevention, awareness, at organ donation advocacies sa tulong ng Philippine Information Agency (PIA).
Ngayong araw, pinangunahan nina NKTI Executive Director Dr. Rose Marie Rosette-Liquete, NKTI Public Health Unit Head Dr. Maria Angeles Marbella, at PIA Director-General Jose Torres Jr. ang paglagda sa Memorandum of Understanding para sa ilang programang nakatutok sa kidney health promotion.
Ayon kay NKTI Executive Director Rose Marie Liquete, kinikilala nito ang malaking papel na gagampanan ng PIA para mas maiabot sa komunidad ang mga advocacy campaign ng ospital.
Sa ganitong paraan, mas mapapalawak rin aniya ang programa nito gaya ng organ donation at upang mas mahikayat ang publiko na pangalagaan ang kanilang bato at regular na magpatingin sa doktor.
Kasama sa mga proyektong ikakasa sa naturang partnership ang “Usapang Bato,” isang webinar series na tatalakay sa iba’t ibang usapin gaya ng kidney disease prevention at impormasyon sa organ donation at transplantation. | ulat ni Merry Ann Bastasa