Mayroong malinaw na usapan ang Pilipinas at Vietnam kung papaano susolusyunan sakaling magkaroon ng insidente sa South China Sea (SCS) na involve ang dalawang bansa.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nang tanungin kung mayroon bang hakbang na nakapaloob sa mga kasunduan na nalagdaan sa State Visit ng Pangulo sa Hanoi, na nakatuon upang matigil na ang mga agresyon ng China sa rehiyon.
Sabi ng Pangulo, bagamat ang kasunduan ay sa pagitan lamang ng Vietnam at Pilipinas nagkasundo naman ang mga ito na kahit ano pa ang mangyari sa rehiyon, dadaanin ng mga ito sa usapan ang issue upang hindi na lumala pa ang tensyon.
“Well, the agreement is between Viet Nam and the Philippines. So, kung anong gawin ng ibang bansa, hindi naman kasama ‘yun. Basta’t ang aking usapan with Viet Nam is pagka mayroong— Pagka may nangyari, mayroon tayong maliwanag na paraan kung paano pagusapan, para hindi lumaki ang gulo.” -Pangulong Marcos.
Kaugnay nito, nilinaw ng pangulo na hindi naman nagkakaroon ng komprontasyon ang Pilipinas sa Vietnam.
Katunayan, kahit na mayroong overlapping claims ang dalawang bansa sa ilang pinag-aagawang teritoryo sa rehiyon hindi naman ito umabot sa anomang porma na kailangan pa ng diplomatic contact.
“Hindi naman tayo nagkaka— we don’t have any confrontations with Viet Nam, as a matter of fact. Despite the fact that we have conflict in territorial water—about territorial waters but it has never gone beyond any diplomatic contacts. Hindi napupunta sa gulo kagaya ng sa mga nangyayari sa nakaraan. So, it is a bilateral arrangement between the Philippines and Viet Nam.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan