Inaasahang muling makikilahok ang bansa sa gaganaping ika-13 World Trade Organization (WTO) Ministerial Conference sa Abu Dhabi, United Arab Emirates sa darating na Pebrero 26 hanggang 29 kung saan ilalatag ng bansa ang iba’t ibang reporma nito sang-ayon sa functions ng organisasyon.
Pamumunuan ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual ang delegasyon ng Pilipinas sa nasabing meeting kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Agriculture (DA), Department of Foreign Affairs (DFA), at mga opisyal mula sa House of Representatives.
Dito, bibigyang diin ng Pilipinas ang kahalagahan ng fisheries subsidies kasama na ang balanseng approach sa overcapacity at overfishing. Kasama rin ang pag-resolba sa mga mga hindi pagkakasunduan sa WTO Appellate Body, pag-integrate ng micro-small and medium enterprises (MSMEs) sa Global Value Chain at marami pang iba.
Noong Pebrero 8, isang briefing session ang isinagawa ng DTI kasama ang iba’t ibang stakeholders para sa preparasyon sa nasabing Ministerial Conference ng WTO na nilahukan ng mga non-government organizations, grupo ng mga magsasaka, at kumpaniya tulad ng Nestlé Philippines. | ulat ni EJ Lazaro