Magsasampa ng kaso ang Pilipinas laban sa mga bansang responsable sa cyanide fishing sa West Philippine Sea (WPS) sa oras na makalikom ng sapat na ebidensya ang gobyerno.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasunod ng napaulat na cyanide fishing sa Scarborough na nakasisira sa marine environment sa lugar.
Ang cyanide fishing ay iyong paggamit ng kemikal na direktang itinatapon sa coral reefs, upang hindi makagalaw ang mga isda at mas mabilis na mahuli ang mga ito, na nakakapinsala naman sa coral reef.
Sabi ng Pangulo, base sa impormasyon na natanggap niya mula sa BFAR mayroon talagang mga kaso ng cyanide fishing sa lugar.
Kaya naman aniya, nagdudulot ito ng pangamba sa kasalukuyan, dahil mas lumalaganap ang mga kaso nito.
“Sabi ng BFAR talagang merong ginagamit, meron naman nagsasabi matagal nang ginagawa ‘yan. And I do know that there are cases of cyanide fishing before even here in the Philippines but I think the reason that it has been more alarming is that it has become more prevalent.” -Pangulong Marcos.
Sa oras aniya na magkaroon ng sapat na grounds o ebidensya ang bansa kaugnay dito ay agad na maghahain ng reklamo ang pamahalaan.
“If we feel that there is enough grounds to do so, we will.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan