Ikinagalak ni Senate Majority leader Joel Villanueva ang desisyon ng Appellate Court ng Kuwait na katigan ang guilty verdict laban sa pumaslang sa kababayan nating si Jullebee Ranara.
Binigyang diin ni Villanueva na hindi titigil ang ating pamahalaan hangga’t hindi naisisilbi ang hustisya na nararapat para sa OFW na nakaranas ng paghihirap sa ibang bansa.
Nagpasalamat ang senador sa Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang ahensyang tumulong na maitaguyod ang kaso laban a killer ni Ranara.
Sinabi ng majority leader na ang naging kapalaran ni Ranara at iba pang OFW na naging biktima ng pang-aabuso ay dapat magsilbing paalala sa gobyerno na patuloy na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pinoy abroad.
Kaugnay nito ay pinatitiyak ng senador na mayroong kumpletong staff ang DMW sa kanilang mga regional offices para tugunan ang mga illegal recruitment cases at iba pang kaso ng mga OFW.
Dinagdag rin ni Villanuva na makakatulong rin ang patuloy na pakikipag collaborate at matatag na bilateral agreements sa mga bansang pinagtratrabahuhan ng mga OFW para masiguro ang kanilang proteksyon. | ulat ni Nimfa Asuncion