Inudyukan ng mga mambabatas ang DPWH na isama na sa budget ng mga road project ang relokasyon o paglilipat ng mga poste ng kuryente.
Kasabay ito ng pagtalakay ng House Committee on Energy at Committee on Public Works and Highways sa resolusyon na inihain ni PINUNO party-list Rep. Howard Guintu.
Dito binigyang diin ni Guintu ang malaking banta sa kaligtasan ng mga motorista at commuters ng mga poste ng kuryente na naiiwan sa gitna ng mga daan matapos ang mga road project.
Batay sa ulat ng National Electrification Administration (NEA), aabot pa sa 53,017 electrical poles ang kailangan i-relocate o ilipat.
Punto ng ahensya, ang kawalan ng pondo para sa relocation ng electrical post ang pangunahing dahilan kung bakit hindi agad nalilipat ang mga ito matapos ang mga ipinagawang kalsada.
Dahil dito hiniling ng kongresista sa DPWH na isama ang paglilipat ng poste sa pondo ng mga road project at road widening.
Punto pa nito na kung hindi agad matutugunan ang problema ay posibleng dumami pa ang mga posteng nakahambalang sa gitna ng daan.
“This should be considered since road projects are implemented every year. Given that, the number of electrical poles to be relocated may balloon every year. Billions of money may be wasted if we continue to implement road projects without the consideration of the presence of electrical poles in the middle of roads,” sabi pa ni Guintu. | ulat ni Kathleen Forbes