Tumaas ang porsyento ng mga Pilipinong may sapat at malawak na kaalaman sa pag-iimbestiga ng International Criminal Court (ICC) sa ‘war on drugs’ noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Martes.
Sa naturang survey, lumalabas na 14% ng mga Pilipino ang may “extensive” na kaalaman sa ICC probe, mas mataas ng 4% kumpara sa resulta ng kaparehong survey noong Marso ng 2023.
Nasa 30% naman ang nagsabing may bahagya silang nalalaman sa imbestigasyon, 35% ang nagsabing konti lang ang alam nila dito habang 22% ang halos walang ideya sa ICC probe.
Samantala, tumaas din sa 53% mula sa dating 45% ang mga respondent na pabor sa ideya ng ICC investigation habang 56% naman ang naniniwalang dapat payagan ng gobyerno ang pag-iimbestiga ng International Criminal Court (ICC)
Isinagawa ang naturang survey mula December 8-11, 2023 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents (18 years old and above) nationwide.
Una nang nanindigan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. hindi kikilalanin ang hurisdiksyon ng International Criminal Court sa Pilipinas. | ulat ni Merry Ann Bastasa