Patuloy ang paghahatid ng tulong ng Philippine Red Cross (PRC) sa mga indibidwal na apektado ng food at water borne health emergency sa Agusan del Sur.
Ito ay matapos na dalhin sa ospital ang mahigit 200 indibidwal dahil sa food at water borne illness sa Barangay Tandang Sora.
Nagtayo ang PRC ng welfare desk sa Esperanza Medical Community Hospital para tulungan ang mga pasyente at kanilang kamag-anak, at namahagi rin ng mga gamot.
Batay sa datos ng PRC Agusan del Sur Chapter, nasa 90 mga pasyente na ang na-discharge sa ospital simula kagabi at tumulong ang PRC na maihatid ang mga ito sa kanilang tahanan.
Samanta, patuloy din ang pagbibigay ng iba’t ibang tulong ng PRC, nitong February 20, umabot na sa 1,142 na food packs ang naibigay sa mga apektado ng pagbaha sa Agusan del Sur. Gayudin ang pamamahagi ng sleeping kits, hygiene kits, at kitchen sets.
Tiniyak naman ng PRC na nakatutok sila sa sitwasyon sa lalawigan, at makikipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga residente. | ulat ni Diane Lear