Ibinahagi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga senador ang pagnanais nitong maisabay sa 2025 Midterm Elections ang plebesito para sa Economic Cha-Cha.
Ito ay sa naging private meeting ng mga senador kasama si Pangulong Marcos sa Malacañang kahapon.
Paliwanag ni Zubiri, kung gagawin kasi, aniya, ang plebesito bago ang eleksyon ay aabot sa ₱12-billion hanggang ₱14-billion ang magagastos ng gobyerno.
Dahil dito, walang nakikitang dahilan ang Senate president na madaliin ang proseso ng pagtalakay sa panukalang Economic Cha-Cha o ang Resolution of Both Houses No. 6 ng Senado.
Pinapaaral na rin aniya ng Punong Ehekutibo kung paanong makukumbinsi ang Commission on Elections (COMELEC) na maglagay ng rider question kaugnay ng isinusulong na Economic Cha-Cha sa likod ng 2025 ballot.
“We can take this up after the break… complete the resolution and approve the resolution before the sine die break, yung aming target date. Baka sabihin nila, nangako na naman ako. Target date po natin, kasi ang gusto po ng ating Pangulo eventually is to force it to the elections of 2025,” paliwanag ni Zubiri. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion