Tuloy-tuloy ang gagawing hakbang ng Marcos administration upang makapanghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa gitna ng isinusulong na pagbabago sa economic provision na nakapaloob sa Saligang Batas.
Ayon sa Chief Executive, desidido ang kanyang administrasyon na makamit ang ambisyong maging upper middle-class status ang Pilipinas sa susunod na taon o 2025.
Malaki aniya ang maitutulong para makamit ang nasabing target ng pamumuhunan ng mga foreign investors sa bansa gayundin ang pag-aamyenda sa ilang economic provisions.
May mga batas sa kasalukuyan ayon sa Pangulo, na pumipigil sa pagpapalakas sana ng foreign investments kaya’t nalilimitahan din ang economic potential at global competitiveness ng Pilipinas. | ulat ni Alvin Baltazar