Sinang-ayunan ni Deputy Speaker Antonio ‘Tonypet’ Albano ang pahayag ni dating Senador Panfilo Lacson na hindi bahagi ng trabaho ng mga mambabatas ang pamamahagi ng ayuda.
Ayon kay Albano, tama ang dating senador sa kaniyang pahayag dahil ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) lang naman talaga ang maaaring mamahagi ng ayuda.
Mahigpit aniyang ipinagbabawal sa kanilang mga mambabatas, senador at kahit pa alkalde na mamahagi ng ayuda sa kanilang mga constituent kung wala doon ang DSWD.
Pero paglilinaw nito na ang presensya nilang mga mambabatas sa pamamahagi ng tulong ay bahagi ng kanilang oversight function.
Bilang sila aniya ang tumalakay at bumuo ng pambansang pondo na siyang ginagamit sa pagpapatupad ng mga social welfare program, kaya mahalaga na mabantayan nila na tama ang pagpapatupad at paggugol dito. | ulat ni Kathleen Forbes