Inaasahan ang pagbaba ng presyo sa karne ng baboy matapos alisin ng pamahalaang lungsod ng Bacolod ang ban o pagbabawal sa pagpasok ng live pigs, pork, at pork products mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Mayor Alfredo Abelardo Benitez na inaasahan ngayong linggo ang pagpapadala ng mga baboy mula sa mga kalapit lalawigan, partikular ang Bohol, upang matugunan ang tumataas na demand at muling buhayin ang local hog industry sa Bacolod.
Umabot na sa ₱410 hanggang ₱420 kada kilo ang presyo ng karne ng baboy base sa market monitoring nitong nakaraang linggo, kung saan ang karaniwang presyo bago ang pork ban ay ₱300 kada kilo.
Nilagdaan ni Benitez ang Executive Order (EO) 09-2024 na nag-aatas sa City Veterinary Office (CVO) na payagan ang paggalaw ng baboy at iba pang swine products sa lungsod alinsunod sa mga probisyon ng Department of Agriculture (DA).
Bagama’t inalis na ang ban, sinabi ni Benitez na ang shipment ng live pigs, pork, pork products, at iba pang mga kaugnay na produkto ay mangangailangan pa rin ng permit at mga kaukulang dokumento sa pagpasok sa Bacolod bilang pag-iwas at pagkontrol sa African Swine Fever (ASF). | ulat ni Jollie Mar Acuyong