Pinag-aaralan na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga hakbang na kailangang maipatupad upang mapataas ang produksyon ng isda sa Laguna Lake.
Ito ayon kay Agriculture Asec Arnel de Mesa ay dahil kabilang ang expansion at pagpapabuti sa agri-fisheries at revival ng Laguna Lake, sa mga tututukan ng pamahalaan, para sa pagpapalakas ng produksyon ng pagkain sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na batid naman ng lahat na ang Laguna ay isa sa pinaka-malaking supplier ng isda sa Metro Manila.
Kahit hindi aniya sakop ng DA ang lawa, ang BFAR, kumikilos na upang mapataas ang produksyon ng Laguna Lake, lalot naniniwala ang DA, na kayang ibaba sa Php70 hanggang Php80 ang bentahan ng bangus, kada kilo.
Sila aniya sa DA, tutulungan ang mga nais mamuhunan sa marine at aqua culture para dito.
“Tutulungan ng DA iyong mga gustong mamuhunan marine culture, aquaculture para maging sapat ang produksyon ng isda, kasama na rito iyong bangus, tilapia, hito, pompano at saka iyong shrimps at crabs.” —De Mesa.| ulat ni Racquel Bayan