Umaasa ang mga nagtitinda ng mais sa mga pamilihan na magpapatuloy ang matatag na presyo nito.
Ito’y sa kabila na rin ng inaasahang hagupit ng El Niño phenomenon gayundin ang pag-atake ng mga pesteng harabas sa ilang taniman.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Marikina City Public Market, naglalaro sa ₱60 hanggang ₱70 ang kada kilo ng mais depende sa laki.
Ang puting mais naman na nagmula sa Candaba, Pampanga, nasa ₱90 naman ang presyuhan sa kada kilo.
Ayon sa mga nagtitinda, sapat pa naman ang suplay ngayon ng mais at marami pa silang napagkukunan pero hindi nila isinasantabi ang posibilidad na tumaas ito pagsapit ng mga buwan ng Marso at Abril.
Batay naman sa datos ng Department of Agriculture, patuloy na pagtaas ang pinsala sa mga sakahan bunsod ng El Niño.
Nagpapasaklolo naman ang mga nagtatanim ng mais sa Laoag City sa Ilocos Norte dahil bukod sa matinding tagtuyot, dumagdag pa ang pamemeste ng harabas sa kanilang mga pananim. | ulat ni Jaymark Dagala