Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi ‘duplication’ ng mga programa ng ibang ahensya ang dalawang proyekto nitong tugon sa epekto ng El Niño o ang Project LAWA o Local Adaptation to Water Access at BINHI o Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished.
Sa DSWD Forum, ipinunto ni Special Assistant to the Secretary for Special Operations Maria Isabel Lanada na kasama sa mandato ng ahensya ang poverty alleviation at matiyak na may sapat na pagkain ang mga mahihirap na Pilipino.
Layon aniya ng Project LAWA at BINHI na tulungan ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng DA, at DILG na matugunan ang pangangailangan ng mga mahihirap na komunidad partikular sa water at food insecurity na dulot ng El NIño.
Sa ilalim ng mga proyektong ito, magbibigay ang DSWD ng cash for training at work sa mga benepisyaryo tulad ng mga magsasaka, mangingisda, indigenous peoples (IPs), at iba pang climate at disaster-vulnerable families para sa learning at development sessions na may kinalaman sa water efficiency at food security.
Sa implementasyon naman nito, kabilang sa maaaring pagpilian ang pagtatayo ng small farm reservoir (SFRs); water harvesting facilities; at communal vegetable gardening kung saan mga disaster resilient crop ang itatanim.
Una nang naging matagumpay ang pilot rollout ng Project Lawa sa tatlong lugar sa bansa kabilang ang Davao de Oro, Ifugao at Antique sa Aklan kung saan ang mga nakumpletong lawa ay napapakinabangan na ng komunidad.
Aabot naman sa P1.4-B ang pondong inilaan ng DSWD sa programa ngayong taon na target makatulong sa 139, 565 na benepisyaryo sa 294 na mga munisipalidad sa bansa partikular sa mga lugar na makararanas ng matinding epekto ng El Niño. | ulat ni Merry Ann Bastasa