Hati ang sentimiyento ng ilan nating kababayan sa plano ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan hinggil sa pagtatakda ng regulasyon sa mga electric vehicles gaya ng e-bicycle at e-tricycle.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa bahagi ng Mandaluyong City, tutol ang ilang e-bike at e-trike users sa planong iparehistro ang kanilang unit dahil dagdag gastos anila ito.
Anila, kaya sila gumamit ng e-bike o e-trike ay bilang alternatibo sa tradisyonal na mga bisikleta at tricycle na hindi na kailangan pang kumuha ng lisensya para gumamit nito.
Samantala, sinabi naman ng iba pang mga e-bike at e-trike users na sumasang-ayon sa plano ng pamahalaan na handa naman silang sumunod lalo’t naniniwala silang para ito sa kapakanan ng mas nakararami.
Pero, ayon naman sa ilang pasaherong nakusap ng Radyo Pilipinas, sinabi nilang dapat nang kalusin ang mga pasaway na e-bike at e-trike driver dahil tila wala na itong kinikilalang batas trapiko.
Kahapon, inanusyo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na may binuong Technical Working Group (TWG) para siyang bumalangkas ng mga reglamento o panuntunan sa paggamit ng e-vehicles.
Batay sa datos ng MMDA nitong 2023, aabot sa 556 na aksidente ang kanilang naitala na kinasasangkutan ng mga gumagamit ng electronic vehicle. | ulat ni Jaymark Dagala