Hinikayat ni Senate Subcommittee on Constitutional Ammendments Chairperson Senador Sonny Angara ang publiko na makinig at tutukan ang mga ginagawa nilang pagdinig tungkol sa panukalang amyenda sa economic provision ng Saligang Batas ng bansa (Resolution of Both Houses no. 6).
Ito, ayon kay Angara, ay para mas maintindihan ng taumbayan ang mga ipinapanukalang amyenda na maaaring matalakay sa plebesito sa hinaharap.
Binigyang-diin ni Angara na ang maganda sa ginagawang pagdinig at proseso ng Senado ay transparent ito at live na masusubaybayan ng publiko sa pamamagitan ng Youtube channel ng Senado.
Sa pamamagitan aniya ng pakikinig sa opinyon at pananaw ng iba’t ibang eksperto ay matutulungan ang mga botante na makabuo ng sarili nilang paninindigan tungkol sa pag-amyenda ng Konstitusyon.
Binigyang-diin ng senador na dapat kusang matimbang ng publiko ang pros and cons ng Economic Cha-Cha dahil maaaring direkta itong makaapekto sa kanilang buhay.
Kasabay naman nito ay inimbitahan ni Angara ang publiko na sumali sa usapan at i-e-mail ang anumang katanungan, concern, komento, o mga nais pang malaman sa mga isyu kaugnay ng Economic Cha-Cha sa [email protected]. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion