Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa publiko laban sa grupong nagpapanggap na affiliate ng Ayala Corporation (AC).
Ang grupo ay nag-ooperate sa pangalang Ayala Corporation Group Inc., Ayala Corporation Budgetarian Online Shop, Global Online Ayala Corporation, Bellavita Ayala Corporation, at Ayala Corporation E Commerce– lahat ay hindi nakarehistro sa SEC at ilegal na nanghihingi ng mga investment sa publiko.
Ayon sa SEC, ang mga entity na ito ay hindi nakarehistro bilang mga korporasyon o mga partnership, at walang pahintulot na mag-alok ng securities.
Gumagamit umano ang grupo ng “tasking and recharging” scheme para akitin ang mga indibidwal na may mga pangako ng mataas na kita.
Gumagamit din ito ng mga pekeng DTI certifications at SEC registrations para lumabas na lehitimo.
Hinihimok ng SEC ang mga nais mag-invest na palaging suriin sa SEC o DTI, para kumpirmahin ang pagiging lehitimo ng mga investment corporation. | ulat ni Melany Valdoz Reyes