Muling nilinaw ni Speaker Martin Romualdez na tanging ang economic provisions lamang ng Saligang Batas at walang usaping politika ang isinusulong ng Kamara.
Kasabay ito ng pagsalang ng Resolution of Both Houses No. 7 sa deliberasyon ng Committee of the Whole nitong Lunes.
Aniya, malinaw na ang misyon ngayon ay baguhin ang ilang economic provisions na pumipigil sa pagpasok ng mga negosyo mula sa ibang bansa na siyang lilikha ng trabaho at magpapasigla ng ating ekonomiya.
“Ito lamang ang pakay natin. Ekonomiya, hindi pulitika. Categorically, we are denying this unfounded and baseless accusation. Wala po tayong hinangad sa Kapulungang ito kundi ang kabutihan ng Sambayanang Pilipino. And we work night and day to make this happen,” giit ni Romualdez.
Para naman aniya tuluyang mapawi ang pagdududa sa itinutulak na Economic Charter Change ng Kamara at na ito ay politically motivated, nagdesisyon aniya ang Kapulungan na i-adopt ang tatlong probisyon na naamyendahan ng Senado salig sa kanilang Resolution of Both Houses No.6.
“This should assure the public that Congress is only touching on the economic provisions that need to adapt with the changing times. There is absolutely nothing in RBH 7 that hovers on any political provision of the Constitution,” saad ng House leader.
Paalala pa ng House chief na ang pag-amyenda sa Saligang Batas ay para makasabay ang Pilipinas sa nagbabagong panahon at maging globally competitive at hindi mapag-iwanan sa paglago ng ekonomiya.
“The times are changing. We need to adapt if we are to become more competitive globally, invite technological advancement, and provide a more conducive economic platform where people have wider opportunities for growth. We should do it now, lest we risk lagging behind the rest of the world when it comes to economic development and productivity,” giit ni Speaker Romualdez.
Sa hiwalay naman na pahayag, sinabi ni Mandaluyong Representative Neptali Gonzales II na inaasahan nilang maipapadala sa Commission on Elections (COMELEC) ang panukalang pagbabago ng saligang batas bago ang Holy Week Break ng Kongreso.
Aniya oras na aprubahan ng Kamara at ng Senado ang panukalang amyenda ay ipadadala ito sa COMELEC at sa tanggapan ng Pangulo, para itakda ang araw ng plebesito para ito ay ratipikahan ng publiko.
Sabi pa niya na sinadya ng liderato ng Kamara na ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 ay maging ‘exact replica’ nang RBH No. 6 na nakabinbin sa Senado upang mapabilis ang proseso ng pagtalakay at pag-paruba sa panukalang amyenda.
Nilinaw din ng mambabatas na gaya ng isang panukalang batas ay dadaan ang RBH No. 7 sa normal na proseso ng lehislasyon.
Kaya oras na matapos ang Committee of the Whole House sa pagtalakay sa RBH No. 7 ay ipadadala ito sa plenaryo kung saan pagbobotohan.
“Para din itong pagtalakay ng isang normal na bill. Dumadaan sa three readings…Pareho din ‘to, except this involves the amendment of the Constitution…ordinarily, nire-refer sa committee on constitutional amendment, pero nothing prevents the House from exercising it’s discretion to constitute a committee of the whole para… lahat can participate,” sabi niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes