Patuloy ang paghahatid ng tulong ng Philippine Red Cross (PRC) sa mga pamilya at indbidwal na apektado ng mga pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng shearline sa Northern Mindanao, Soccsargen, Caraga, at Davao Region.
Kaugnay nito ay umapela ng emergency assistance ang PRC sa publiko upang patuloy na makapagsagip ng buhay.
Ayon sa PRC, umabot sa mahigit 6,000 indibidwal ang nabigyan nila ng mainit na pagkain, nasa 26,000 na litro ng maiinom na tubig ang naipamahagi, 10 indibidwal ang sinaklolohan, at walang patid pagbibigay ng iba’t ibang klaseng tulong at serbisyo sa mga apektado.
Nag-deploy din ang PRC ng 6×6 truck upang tumulong sa operasyon sa mga nabanggit na lugar.
Tinatayang mahigit anim na milyon indibidwal o mahigit 260,000 na mga pamilya ang apektado ng masamang panahon sa Mindanao.
Para naman sa nais na magbigay ng donasyon maaaring bisitahin ang Facebook page ng PRC.| ulat ni Diane Lear