Nagpapatuloy ngayong araw ang rescue operations ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) para sa nalalabing 41 empleyado ng APEX mining mula sa 86 na inisyal na iniulat na na-trap sa landslide kagabi sa Brgy. Masara, Maco, Davao de Oro.
Iniulat ni Col. Rosa Ma. Cristina Rosete-Manuel, tagapagsalita ng EastMinCom na may radio contact na sa apektadong lugar at temporary command posts sa pamamagitan ng Emergency Communication Teams mula sa 1001st Infantry Brigade at 10th Infantry Division.
Nagtatag na rin aniya ang 25th Infantry Battalion ng Tactical Command Post (TCP) sa Tagbaros Patrol Base; habang ang 1001st Brigade ay nakikipag-coordinate sa Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) at Provincial Incident Command Post para sa Disaster Management.
Sinabi ni Col. Rosete-Manuel na naka-standby ngayon ang rescue teams mula sa 10th Infantry Division (10ID), 1001st Brigade, 25IB, at 60IB sa iba’t ibang lokasyon malapit sa pinangyarihan ng insidente.
14 na behikulo ng militar ang dineploy para suportahan ang rescue operation, kasama ang heavy equipment ng APEX mining.
Tiniyak naman ni EastMinCom Commander Lt.Gen Greg T. Almerol ang buong suporta ng militar sa mga apektado ng naturang insidente. | ulat ni Leo Sarne