Naghain na si Senate President Pro Tempore Loren Legarda ng resolusyon para maimbestigahan ang nangyaring landslide sa Maco, Davao de Oro na ikinasawi ng maraming residente sa lugar.
Nangyari ang naturang insidente noong February 6 malapit sa isang gold mining site sa Barangay Masara, Maco, Davao De Oro kung saan nabaon sa lupa ang mga bahay at tatlong bus at isang jeep.
Sa Senate Resolution 930 ng senador, pinunto na ang naturang lugar ay una nang idineklarang “No build zone” ng lokal na pamahalaan kung saan batay sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region 11 ang lupa doon ay mahina at ito ay matatagpuan sa Philippine fault.
Hindi lang din aniya ito ang unang pagkakataon na nagka-landslide sa lugar at nangyari na rin ito noong 2007 at 2008.
Kabilang sa mga iimbestigahan kung ang mga ahensya ng gobyerno at mga stakeholders ay nakasunod sa probisyon ng batas sa disaster risk reduction and management at kung natutugunan ang mga disaster preparedness at response mechanism. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion