Inihain nina House Majority Leader Mannix Dalipe, Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales at Deputy Speaker David Suarez ang Resolution of Both Houses No. 7.
Nilalayon nito na amyendahan ang tatlong economic provision ng 1987 Constitution, partikular ang Sections 12, 14 at 16 sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Kahalintulad ito ng Resolution of Both Houses No. 6 na kasalukuyang tinatalakay ng Senado.
Ayon kay SDS Gonzales, nilalayon ng kanilang paghahain ng RBH 7 na ipakita na kanilang sinusuportahan ang Senado sa planong pag amyenda ng Saligang Batas.
Paraan din ito ayon kay Rep. Robert Ace Barbers na maalis ang agam-agam na nais nilang magpasok ng amyenda sa probisyong politikal.
Tulad ng sa Senado, ito aniya ay nilalayong ayusin din ang problema sa inamyendahan nilang Public Service Act na kinukwestyon ngayon sa Korte Suprema.
Sabi naman ni Majority Leader Mannix Dalipe, isa sa posibleng gawin nila ay mag-constitute ng committee of the whole upang mas maging mabilis ngunit exhaustive o masinsinan pa rin ang diskusyon.
Suportado ito ng iba’t ibang political party leaders gaya ni NUP Party President at Cam Sur Rep. Lray Villafuerte.
Aniya, kung ikukumpara sa takbo ng senado na may sub-committee pa bago iakyat sa mother committee at plenaryo ay mas magiging mabilis ang usad kung mag-committee of the whole sila.
Magkagayunman, hindi ito ire-rail road at gagamitin din ang mga resulta sa nagdaang hearing ng House Committee on Constitutional Amendments kasama ang road show na isinagawa, at mag-iimbita pa rin ng mga resource person
Malaking bagay naman ani Tingog Party-list Rep. Jude Acidre kung magkaroon ng committee of the whole upang maging ang mga hindi miyembro ng komite ay makasali sa diskusyon.
Bagamat walang itinakdang deadline sa pagpasa ng RBH7, sinabi ni Deputy Speaker David Suarez na magagahol sila ng oras kung hindi matatapos bago ang summer break ng Kongreso dahil papasok na ang budget season, at paghahanda sa 2025 mid-term elections. | ulat ni Kathleen Forbes