Natapos na ng Department of Transportation (DOTr) ang Pre-Bidding Conference nito para sa Ninoy Aquino International Airport-Public Private Partnership (NAIA-PPP) Project.
Ayon sa DOTr, tatlong potensyal na bidders ang lumahok sa naturang conference na kinabibilangan ng SMC-SAP & Company Consortium, GMR Airports Consortium, at Manila International Airport Consortium.
Sa mga ito ayon sa DOTr, ang SMC-SAP & Company Consortium ang may pinakamalaking bid na nasa 82.16%, sinundan ito ng GMR Airports Consortium na may 33.30%, at Manila International Airport Consortium – 25.91%.
Mula sa tatlong bidder, tanging ang SMC-SAP ang nag-alok ng 82.16 percent na future gross revenues bukod pa sa Passenger Service Charges sa pamahalaan.
Iba pa ito sa fixed upfront fee ng ₱30-bilyong piso at ₱2-bilyong pisong taunang bayarin.
Dahil dito, sisimulan na ng Pre-Qualifications Bids and Awards Committee ang kanilang pagrepaso sa mga isinumiteng bid ng mga nabanggit na kumpanya upang tingnan kung nakasusunod ito sa kanilang pamantayan.
Sakaling makapagpasya na, ilalabas ng DOTr sa February 15 kung sino sa tatlo ang nakapasa na siyang makakukuha ng kontrata. | ulat ni Jaymark Dagala