Patuloy ang ginagawang hakbang ng Department of Agriculture (DA) upang mapabuti ang produksyon ng sibuyas sa bansa.
Kabilang na rito ang mahigpit na pagbabantay sa mga taniman ng sibuyas upang matugunan ang mga hamon na nakakaapekto sa kalidad at pag-ani ng mga sibuyas.
Nagsagawa ng surpise inspection ang ang ilang opisyal ng DA sa pangunguna ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, upang obserbahan ang mga taniman ng sibuyas sa Bongabon at Rizal, Nueva Ecija.
Tiniyak ng DA, na nakahandang sumuporta ang pamahalaan sa mga onion grower upang matiyak ang sapat na produksyon nito at mapataas ang kanilang kita.
Kaugnay nito ay magbibigay ang Bureau of Plant Industry (BPI) ng technical support program sa mga onion farmer, upang magkaroon ng sapat na kaalaman sa pagtatanim at pag-aani ng sibuyas.
Tutulungan din ng BPI ang mga onion grower sa Nueva Ecija na makapag-secure ng Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) certificate, para magkaroon ng access sa mas maraming merkado.
Bukod dito ay magtatayo rin ng mas karagdagang storage facilities ang DA hindi lang para sa sibuyas pati na rin sa ibang pananim.
Kumpiyansa naman ang DA, na magkakaroon ng sapat na supply ng sibuyas sa bansa ngayong 2024 dahil hindi nagkaroon ng malaking epekto ang mga peste sa produksyon ng sibuyas. | ulat ni Diane Lear