Naglabas ng abiso ang Department of Migrant Workers (DMW) kaugnay sa mga panuntunan na dapat sundin kaugnay sa Seasonal Worker Program ng South Korea.
Ang Seasonal Worker Program ng South Korea ay isang kasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan sa Pilipinas at South Korea.
Ito ay short-term employment para sa mga foreign agriculture worker na layong matugunan ang kakulangan sa mga magtatrabaho sa panahon ng pagtatanim at anihan sa naturang bansa.
Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, bagamat kinikilala nila ang awtoridad ng mga lokal na pamahalaan mandato aniya ng DMW na isulong ang kapakanan at proteksyon ng mga Pilipinong seasonal worker.
Ani Cacdac, umabot na sa 150 na mga reklamo ang naitala sa mga rehistradong Pilipinong seasonal workers sa South Korea simula noong 2022.
Sa ilalim ng inilabas na Advisory 1A ng DMW nakalagay ang mga panuntunan na dapat sundin ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapadala ng mga Pilipino seasonal worker gaya ng tamang pasahod, maayos na working condition, access sa medical care, at membership sa OWWA upang mabantayan at maprotektahan ang mga seasonal worker.
Sa ngayon, umabot na sa anim na seasonal worker ang piniproseso ng DMW matapos na maisumite ng mga lokal na pamahalaan ang mga dokumento. | ulat ni Diane Lear