Pinasalamatan ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año ang Senado sa pangunguna ni Sen. President Miguel Zubiri at Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairperson Senator Francis “Tol” Tolentino sa pagsulong ng Senate Bill No. 2492 o Philippine Maritime Zone Act sa ikatatlo at huling pagbasa.
Sa isang kalatas, sinabi ni Sec. Año na ang naturang panukala ay isang malaking hakbang para mapangalagaan ang “maritime interests” at “sovereign rights” sa karagatan ng bansa.
Ang naturang hakbang ang nagpapatupad sa pamamagitan ng lokal na lehislasyon ng 2016 Arbitral Award ng Permanent Court of Arbitration, na kumilala sa eksklusibong karapatan ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ) sa West Philippine Sea alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Pinasalamatan din ni Sec. Año ang House of Representatives, sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, at Representative Rachel Arenas, Chairperson ng House Committee on Foreign Affairs at sponsor ng House Bill No. 7819, ang “counterpart” bill sa mababang kapulungan. | ulat ni Leo Sarne