Nanindigan si National Security Adviser Secretary Eduardo Año na walang basehan sa international law ang paulit-ulit na pag-aangkin ng China sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Sa isang kalatas, binigyang-diin ng kalihim na ang Bajo de Masinloc na 124 milya ang layo mula sa Luzon mainland, ay nasa loob ng 200 mile Exclusive Economic Zone ng bansa, at integral na bahagi ng Philippine Archipelago bilang parte ng munisipyo ng Masinloc, Zambales.
Ayon sa kalihim, base sa 1734 Pedro Murillo Velarde Map ng España, kasama ang Bajo de Masinloc sa teritoryo ng Pilipinas.
Kasama din aniya ang Bajo de Masinloc sa “Census of Islands” na ginawa ng Estados Unidos nang isuko ng España sa kanila ang Pilipinas sa ilalim ng 1898 Treaty of Paris.
Paliwanag pa ng kalihim, ang 2016 Arbitral Award alinsunod sa United Nations Convention on Law of the Seas (UNCLOS) ay epektibong nagbasura sa anumang historical claim ng China sa Bajo de Masincloc.
Dahil dito, binigyang-diin ng kalihim na walang karapatang magsagawa ng law enforcement operations ang ibang bansa sa Bajo de Masinloc, at walang anumang pahayag o iligal na aksyon ng anumang estado ang makapagbabago ng katotohanang ito. | ulat ni Leo Sarne