Binibigyang babala ngayon ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang publiko sa pag-iinvest laban sa isang “TONIK-SHOP” na nag-aalok at nangangalap umano ng investment kapalit ng pangakong kita, tubo, at interes.
Ayon sa SEC, hindi rehistrado at walang pahintulot sa kanilang ahensya ang TONIK-SHOP upang mangalap ng investment mula sa publiko.
Nagpapakita rin umano ng indikasyon ng “ponzi scheme” ang TONIK-SHOP na isang uri ng modus operandi kung saan pinapangakuan ang isang investor ng mabilis at malaking kita sa pamamagitan ng pagbabayad sa mga investors galing sa kontribusyon ng mga sumunod na investors na kalaunan ay mahahantong sa hindi pagkabayad sa mga nag-invest lalo na sa mga nahuling miyembro.
Peke rin, ayon sa SEC, ang ipinapakita nitong Certificate of Incorporation para mag-mukhang lehitimo sa mata ng mga investors.
Dagdag pa ng ahensya, kakaharapin ng nasabing entity kasama na ang sinumang endorsers, promoters, recruiters, at enablers ang patong-patong na kaso na may penalty na aabot sa P5,000,000 at pagkakakulong ng 21 taon.
Inaabisuhan din ng SEC ang sinuman na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa mga impormasyon patungkol sa operasyon ng TONIK-SHOP at iba pang nagpapakilalang investment firm na may kahalintulad na modus. | ulat ni EJ Lazaro