Matitiyak ng ipinapanukalang P100 legislated wage increase na ang economic recovery ng Pilipinas ay magiging inclusive at pagbebenepisyuhan ng lahat ng sektor, lalo na ng working class.
Ito ang binigyang diin ni Senador Christopher ‘Bong’ Go kasabay ng pagbibigay suporta sa panukalang P100 legislated wage increase na tatalakayin na sa plenaryo ng Senado.
Ayon kay Go, kasabay ng pagbubukas at pagsigla ng ekonomiya ng bansa ay dapat tiyakin na hindi maiiwanan ang mga ordinaryong Pilipino, lalo na ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagpapataas ng kanilang sahod.
Ito ay para makaagapay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sinabi rin ni Go na bahagi ng social justice policy ang balansehin ang interes ng mga employer at ng mga manggagawa.
Nilinaw ng senador na ang panukalang legislated wage increase ay hindi layong pahirapan ang mga employer kundi ang balansehin ang pagkilala sa karapatan at kapanan ng lahat ng sektor sa lakas-paggawa.
Kasabay nito ay nanawagan rin si Go sa mga mayayaman na ibahagi rin ang kanilang kita sa mga nangangailangan nating mga kababayan. | ulat ni Nimfa Asuncion