Ikinalugod ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang tiwalang pinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Senado na pangunahan ang pag amyenda sa economic provision ng Konstitusyon
Nagpasalamat rin si Revilla sa mga mambabatas ng Kamara sa paghahain ng Resolution of Both Houses no. 7, o ang counterpart bill para sa economic chacha, at ang agad na pagtakda ng pagdinig para dito.
Ayon sa senador, sa pamamagitan nito ay mapapabilis at mas magiging episyente ang pagresolba sa mga isyu at concern sa panukalang amyenda sa economic provision ng Saligang Batas.
Wala naman aniyang masama kung sabay na talakayin ng Kamara at Senado ang mga panukalang amyenda sa konstitusyon.
Mas mainam aniyang matapos na ang pagdinig sa lalong madaling panahon, at magkaroon na ng nagkakaisang kumpas tungo sa pagbabalangkas ng mga panukalang mag-aangat sa estado ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Sa huli, parehas naman aniya ang hangarin ng Senado at Kamara na bigyan ng mas maaayos na kinabukasan ang ating mga mamamayan. | ulat ni Nimfa Asuncion