Pinaalalahanan ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Grace Poe ang lahat ng ahensya ng gobyerno na palakasin at gawing mas matibay ang firewall at sistema ng kanilang mga website.
Ito ay kasunod ng nangyaring tangkang cyber attack sa website ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon kay Poe, bagamat napigilan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang cyber attack ay dapat magsilbing paalala ang insidenteng ito na mas nagiging matapang ang mga hacker sa kanilang mga pag-atake.
Sinabi ng senador na dapat ikonsidera ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang mga findings ng DICT sa pinaghihinalaang source ng banta sa ating cyber privacy at security.
Binigyang-diin ni Poe na dapat gawin ang lahat ng paraan para mapanatiling ligtas at hindi makokompromiso ang data ng lahat ng mga Pilipino. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion