Sa halip na buwagin, iginiit ni Senator Imee Marcos na mahalagang panatilihin ang presensya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC).
Ito ang tugon ng senator sa rekomendasyon ni United Nations (UN) Special Rapporteur Irene Khan na buwagin na ang naturang task force.
Ayon kay Senator Imee, dapat pa ngang palakasin ang mandato ng NTF ELCAC na ipagpatuloy ang mapayapang pagbabalik-loob sa gobyerno at makataong rehabilitasyon ng rebel returnees.
Naniniwala ang senador na counter-productive at mas mapanganib kapag binuwag ang NTF ELCAC.
Libo-libong rebelde na aniya ang mapayapang nagbalik loob sa pamahalaan at halos tagumpay nang nagwagi ang gobyerno sa communist insurgency.
Para pa kay Sen. Imee, pakikialam ang ginawang panawagan ni Khan na buwagin ang NTF ELCAC.
Pinunto ng mambabatas, na ilang araw lang sa bansa si Khan at iilan lang ang nakausap nito kaya wala itong karapatan na pagsabihan ang gobyerno kung ano ang dapat gagawin. | ulat ni Nimfa Asuncion