Iginiit ni Senate Committee on Labor Chairperson Senador Jinggoy Estrada na nararapat lang ang paborableng desisyon ng Department of Justice (DOJ) para sa minaltratong kasambahay sa Occidental Mindoro na si Elvie Vergara.
Ayon kay Estrada, nabuhayan siya ng loob sa balitang maglalabas ang DOJ ng resolusyon na pabor sa kasambahay na dumanas ng ilang taong pang-aabuso mula sa kamay ng kanyang mga employer.
Aniya, “long overdue” na ang hustisya para kay Vergara dahil sa tagal ng tiniis nitong sakit at trauma na nagresulta sa mga bali, kawalan ng paningin at facial deformities.
Giit ng senador, deserve ni Vergara ang bawat sentimo ng malaking kabayaran na igagawad sa kanya ng DOJ at DOLE gayundin ang buong proteksyon na ibibigay ng estado.
Umaasa ang mambabatas na ang kaso ni Vergara ay magsilbing ‘wake up call’ para sa lahat na ipaglaban ang karapatan at dignidad ng mga domestic worker na madalas na nakakaranas ng pananakit, pang-aabuso at diskriminasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion