Nanawagan si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Commission on Elections (COMELEC) na gawing mas simple ang paraan ng mga nais bawiin ang kanilang pirma sa People’s Initiative.
Ginawa ni Villanueva ang panawagan matapos aprubahan ng COMELEC ang withdrawal form para payagan ang mga Pilipino na bawiin ang kanilang pirma na isinumite para sa cha-cha.
Ayon kay Villanueva, bagamat welcome development ito ay hindi dapat pahirapan ang ating mga kababayan sa proseso ng pagbawi ng kanilang pirma.
Aniya, hindi na dapat hingian ng paliwanag ang mga nais bawiin ang kanilang pirma dahil karaparan nila ito.
Dahil dito, binigyang-diin ng senador na mahalagang magkaroon ng malinaw na direksyon mula sa COMELEC lalo na’t ang Korte Suprema na mismo ang nagsabi na walang sapat na batas para sa isang people’s initiative sa pag-amyenda ng Konstitusyon.
Samantala, pinuri naman ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang poll body sa naturang desisyon dahil karapatan ng mga tao na bawiin ang pirma na mahalaga para sa kanila. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion