Pinasalamatan ni Senador Raffy Tulfo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pagtutok sa kompensasyon ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa nabangkaroteng Saudi Arabian construction companies.
Ito ay matapos ianunsyo ni Pangulong Marcos na may kabuuang 1,104 indemnity cheques mula sa Alinma Bank na nagkakahalaga ng P868,740,544 ang naproseso na ng Overseas Filipino Bank at Land Bank. Sa nasabing bilang, 843 na ang naayos at naibigay sa kinauukulang OFWs.
Kinilala ni Tulfo ang dedikasyon ni Pangulong Marcos sa pagtulong at pagtutok sa kapakanan ng mga tinagurian nating mga makabagong bayani — ang ating mga OFW, gayundin kay Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman dahil sa pagtupad sa kanyang pangako.
Kaisa rin si KABAYAN Partylist Rep. Ron Salo, chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs, sa pagpapaabot ng pasasalamat ng mga OFW sa pamahalaan.
Ayon kay Salo, kapuri-puri ang ginawang hakbang ng Department of Migrant Workers (DMW), sa ilalim ng pamumuno ni officer-in-charge USec. Hans Cacdac, sa matagumpay na paglalabas ng hindi nabayarang sweldo at benepisyo ng mga OFW na naretrench sa Saudi Arabia noong 2015.
Binigyang-diin din ni OFW Partylist Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang paninindigan at katapatan ni Pangulong Marcos subalit ipinakita rito na nananatiling top priority ang kalagayan ng mga OFW sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Taong 2015 at 2016 ng ma-terminate sa trabaho ang 10,544 na OFW sa Saudi Arabia.
“Bilang Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, lubos ang aking kasiyahan dahil matapos ang halos siyam na taon na paghihintay ng ating mga Saudi OFW ay makukuha na nila ang kanilang insurance claims,” sabi ni Senador Tulfo.
“Ito ay bilang pagtupad sa pangako ni Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman na babayaran ng kanilang gobyerno ang ating mga OFW,” dagdag niya.
“The DMW has worked their fingers to the bone to achieve this milestone. I wish to commend and thank OIC USec. Cacdac, as well as the late DMW Secretary Ople, for their dedication in resolving the labor claims of OFWs in Saudi Arabia through numerous bilateral talks and going through the meticulous process of collating every detail to ensure the rightful claim of each OFW,” ani Rep. Salo.
“Sa paninindigan at katapatan ng ating Pangulong Marcos, tayo’y panatag na pagsusumikapan ng ating pamahalaan na maging good news na ang pagbigay ng claims para sa lahat ng naapektuhang OFWs sa lalong madalhing panahon,” sinabi ni Rep. Del Mar Magsino.