Nagpadala na ng apology letter si Sen. Robin Padilla sa pamunuan ng Senado kaugnay ng IV drip issue sa kanyang tanggapan noong nakaraang linggo.
Matatandaang nag viral ang litrato ng asawa ni Padilla na si Mariel Rodriguez kung saan makikita itong sumasailalim IV drip session sa loob mismo ng opisina ni Padilla sa Senado.
Kabilang sa mga pinadalhan ng apology letter ay sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate Committee on Ethics Chairperson Sen. Nancy Binay, Senate Sargeant-at-Arms Head Retired Lt. Gen. Roberto T. Ancan at Senate Medical and Dental Bureau Director Dr. Renato Sison.
Sa liham, muling pinahayag ni Padilla na walang intensyon ang kanyang may-bahay na ipagwalang bahala ang mga umiiral na patakaran ng Medical Bureau at ang alituntunin ng seguridad ng Senado.
Hindi rin aniya nila sasadyain ang pagsasawalang bahala sa dangal na sinisimbolo ng Senado.
Nangako rin ang Senador na hindi na mauulit pa ang naturang pangyayari.
Nitong Linggo, humingi rin ng paumanhin si Mariel Rodriguez sa publiko at sa Senado sa nangyaring pag-IV drip sa tanggapan ni Senador Padilla at sinabing Vitamin C at hindi glutathione ang drip niya. | ulat ni Nimfa Azuncion