Binalaan ni Senador Sherwin Gatchalian ang publiko laban sa paglaganap ng mga love scam lalo na’t marami aniya ang inaasahang maghanap o sumubok ng online dating ngayong buwan ng pag-ibig.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa isang love scam, ang mga scammer ay karaniwang gumagawa ng isang kaakit-akit pero pekeng account sa social media para makuha ang interes ng mga potensyal na biktima.
Sa ganitong modus, karaniwang mabilis na umuusad ang relasyon sa pagitan ng scammer at ng binibiktima nito.
Oras na makuha ng scammer ang tiwala ng kanyang biktima ay saka na ito hihingi ng malaking halaga ng pera, at kapag nakakuha na ng pera ay saka kadalasang naglalaho ang scammer.
Iginiit ni Gatchalian na walang kasarian na pinipiling maging biktima ang love scam, at mas lalong malapit sa ganitong scam ang mga emotionally vulnerable kabilang na ang mga may edad na.
Kadalasan aniya itong nangyayari sa dating apps o social media.
Payo ng senador sa lahat, huwag basta magpalinlang at magpabihag sa iba’t ibang uri ng love scam.
Dapat aniyang maging mapanuri sa lahat ng mga transaksyon lalo na kung may kinalaman ito sa pera.
Kaugnay naman nito ay ibinahagi ni Gatchalian, na naghain na siya ng Senate Bill 2407 o ang Anti Financial Account Scamming bill na layong protektahan ang sistema ng pananalapi ng bansa, at tiyakin na ang financial accounts at mga may ari nito ay protektado laban sa mga cybercriminals. | ulat ni Nimfa Asuncion