Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga ahensya ng gobyerno na kumilos para masawata ang banta ng artificial intelligence (AI) na nagpapalala ng mga kaso ng online sexual abuse and exploitation of children o OSAEC sa bansa.
Ito ay makaraang magbabala si Council for the Welfare of Children (CWC) Undersecretary Angelo Tapales na nagagamit na ang AI sa pagmamanipula ng mga malalaswang larawan na ikinakalat sa iba’t ibang platform.
Sa kasalukuyan ay wala pa namang natatanggap na report ang Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center ng mga insidenteng ito na nagkalat ngayon sa iba’t ibang bansa.
Paliwanag ni Gatchalian, habang patuloy na nagiging moderno ang teknolohiya, nakakaalarmang patuloy ding nakakahanap ng mga makabagong paraan ang mga nais mang-abuso ng mga kabataan.
Mahalaga aniyang tugunan ang mga bantang ito at tiyaking sinumang gumagamit sa internet o teknolohiya para abusuhin ang ating kabataan ay mananagot sa batas.
Kasabay nito, nanawagan din ang senador sa mga magulang na bantayan nang maigi ang kanilang mga anak sa paggamit ng mga gadgets, lalo na’t maaaring maging daan ito para makuha ang kanilang mga larawan at magamit sa iba’t ibang paraan ng karahasan at pang-aabuso. | ulat ni Nimfa Asuncion