Kinumpirma ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sen. Sherwin Gatchalian ang commitment ng Department of Education (DepEd) na pagkakaroon ng mga bago at recalibrated na mga textbook na alinsunod sa ‘K to 10’ curriculum.
Ayon kay Gatchalian, na siya ring Co-Chairman ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), base sa konsultasyon nila sa DepEd ay tiniyak ng ahensyang matatapos ang pag iimprenta ng mga bagong textbook sa Hulyo.
Tinataya aniyang nasa 7 hanggang 8 milyong textbook ang iimprenta para sa mga estudyante ng School Year 2024-2025 sa ilalim ng Matatag Curriculum na magsisimula sa Agosto.
Aminado naman ang Senador na masyadong tight ang schedule na inilatag ng DepEd, kung saan isang hakbang lang aniya ang ma-delay ay posibleng ma-delay ang buong schedule.
Pero giit ni Gatchalian, kailangang matupad ang inilatag ng DepED na schedule dahil kung hindi ay mapipilitan ang mga estudyante na gamitin ang mga lumang module, na hindi na tugma sa bagong curriculum. | ulat ni Nimfa Asuncion