Para kay Senador Sonny Angara, ang ginagawa ng Senado na pagtalakay sa economic chacha (Resolution of Both Houses no. 6) ang tamang proseso sa isinusulong na amyenda sa economic provision ng saligang batas.
Ayon kay Angara, na siyang namumuno sa pagdinig ng RBH No. 6, sa pamamagitan ng kanilang talakayan ay nagiging transparent sila sa taumbayan at naipapaliwanag ang bawat panig tungkol sa isinusulong na amyenda.
Samantala, nilinaw naman ng mambabatas na nagdesisyon silang unahin na muna ang amyenda sa tatlong economic provision, partikular sa public services/ utilities, advertising at education, dahil ito ang pinaka praktikal na pag-usapan ngayon.
Aminado si Angara na kapag kasi isinama ngayon ang usapin tungkol sa isyu ng land ownership at natural resources patrimony ay maaaring tumagal ang proseso at talakayan bilang madugo aniya ang mga usaping ito. | ulat ni Nimfa Asuncion